5 Bagay na Dapat Nating Tandaan sa Pagsapit ng Undas

By Most Rev Honesto Ongtioco DD, bishop of the Roman Catholic Diocese of Cubao

1. Ang sementeryo ay pook himlayan ng mga yumao. Hindi ito playground. Hindi ito pasyalan. Hindi ito pook libangan. Ito ay himlayan ng mga yumao. Dito nila hinihintay ang araw ng muling pagkabuhay na inaasahan nating magaganap sa muling pagbabalik ng ating Panginoong Hesukristo. Dahil ito’y himlayan, nararapat lamang na panatilihin doon ang katahimikan bilang paggalang sa pamamahinga ng mga yumao.

2. Ang mga labi ng yumaong Kristiyano ay hindi basura na itinatapon lamang kung saan saan. Ang katawan ng yumao ay minsang naging templo ng Espiritu Santo. Sa paglisan ng kaluluwa sa sandal ng kamatayan, ang katawang ito ay patuloy na ginagalang at inililibing nang may buong pagmamahal. Ang kanyang libingan ay nilalagyan ng palatandaan na kung saan nilalagay ang pangalan ng yumao. Patuloy na tinataglay ng katawang panlupa ang kanyang pagkakakilanlan (identity). Ito ang pangalang tinanggap niya noong siya ay bininyagan at ito rin ang pangalang ginamit ng Diyos sa pagtawag sa kanya.

3. Ang paglilibing sa mga yumao ay palatandaan ng ating pananampalataya sa muling pagkabuhay ng mga patay. Kung paanong natitiyak natin ang ating kamatayan dahil sa ating kaugnayan kay Adan, natitiyak natin ang ating muling pagkabuhay dahil sa ating kaugnayan kay Kristong nabuhay na mag-uli. Inililibing natin ang ating mga yumao sa pagtulad natin sa paglilibing kay Hesus noong siya ay namatay. Nananampalataya tayong babangon mula sa libingan ang ating mga yumao katulad ng nangyari kay Hesus na namatay at muling nabuhay. Ang paglilibing ng mga patay ay isa sa mga gawain ng awa.

4. Ang mga kandilang sinisindihan natin sa libingan ay palatandaan ng panalangin na nawa’y silayan ang ating mga yumao ng liwanag na walang hanggan. Ang mga bulaklak naman ay palatandaan ng ating pagmamahal at ng ating pag-asa na ang ating mga yumao ay makapasok sa paraiso ng langit.

5. Ang pinakamagandang magagawa natin para sa mga yumao ay ang alalahanin sila sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Ang Misa ay ang Sakripisyo ng Pagbabayad-puri (sacrifice of atonement). Iniaalay natin sa Diyos ang kanyang Anak, lalo’t higit ang kanyang kabanal-banalang Dugo na ibinubuhos para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng Misa, ipinamamanhik natin sa Panginoon na ipagkaloob sa mga yumao ang kapatawaran ng kasalanan at ang walang hanggang kapayapaang dulot ng pakikipagkasundo sa kanya.

Leave a Reply