MGA PAGBASA— Miyerkules ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Santiago 1, 19-27
Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5
Sino ba ang tatanggapin sa templo ng Poon natin?
Marcos 8, 22-26
UNANG PAGBASA
Santiago 1, 19-27
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Tandaan ninyo ito, mga kapatid kong minamahal: matuto kayong makinig, dahan-dahan sa pagsasalita, at huwag agad magagalit. Sapagkat ang galit ay di nakatutulong sa tao upang maging matuwid sa paningin ng Diyos. Kaya’t talikdan ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal, at buong pagpapakumbabang tanggapin ang salita ng Diyos na natanim sa inyong puso. Ito ang makapagliligtas sa inyo.
Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinisagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. Sapagkat ang nakikinig lamang ng salita at hindi nagsasagawa nito ay katulad ng isang taong humarap sa salamin at unalis matapos makita ang sarili. Agad nalilimutan ang kanyang ayos. Nagunit ang nagsasaliksik at patuloy na nagsasagawa ng kautusang sakdal at nagpapalaya sa tao – at hindi isang tagapakinig lamang na pagkatapos ay nakalilimot – ang taong iyan ang pagpapalain ng Diyos sa lahat niyang gawain.
Kung inaakala ninuman na siya’y talagang relihiyoso, ngunit hindi naman marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili at walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso. Ganito ang pagkarelihiyoso na minamarapat at kinalulugdan ng ating Diyos at Ama: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kahirapan, at ingatan ang sarili na huwag mahawa sa kasamaan ng sanlibutang ito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5
Tugon: Sino ba ang tatanggapin sa templo ng Poon natin?
Yaong mga masunurin na sa iyo’y nakikinig,
at ang laging ginagawa’y naaayon sa matuwid,
kung mangusap ay totoo, sa lahat at bawat saglit,
yaong gawang paninira’y hindi niya naiisip.
Tugon: Sino ba ang tatanggapin sa templo ng Poon natin?
Kailanman, siya’y tapat makisama sa kapwa,
sa kaniyang kaibiga’y wala siyang maling gawa;
hindi siya nagkakalat ng di tunay na balita.
At itinatampok niya ang matapat sa lumikha.
Tugon: Sino ba ang tatanggapin sa templo ng Poon natin?
Hindi siya humihingi ng patubo sa pautang,
at kahit na anong gawi’y hindi siya masuhulan,
upang yaong walang sala’y patawan ng kasalanan.
Ang ganitong mga tao’y mag-aani ng tagumpay.
Tugon: Sino ba ang tatanggapin sa templo ng Poon natin?
ALELUYA
Efeso 1, 17-18
Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ‘yo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 8, 22-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, dumating sina Hesus at ang mga alagad sa Betsaida. Dinala kay Hesus ng ilang tao ang isang bulag at ipinamanhik na hipuin ito.
Inakay niya ito sa labas ng bayan, niluran sa mga mata saka ipinatong ang kanyang mga kamay. “May nakikita ka na bang anuman?” tanong niya. Tumingin ang lalaki at ang wika, “Nakakakita po ako ng mga taong lumalakad, ngunit sila’y parang punongkahoy.”
Muling hinipo ni Hesus ang mga mata ng bulag; ito’y tuminging mabuti. Nanumbalik ang kanyang paningin at malinaw na niyang nakita ang lahat. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Umuwi ka na. Huwag ka nang dumaan sa bayan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.