MGA PAGBASA— Kapistahan ng Pagbabagong-buhay ni Apostol San Pablo
Mga Gawa 22, 3-16
Salmo 116, 1. 2
Humayo’t dalhin sa tanan, Mabuting Balitang aral.
Marcos 16, 15-18
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 22, 3-16
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pablo sa mga tao, “Ako’y isang Judio, ipinanganak sa Tarso ng Cilicia ngunit lumaki rito sa Jerusalem. Nag-aral ako kay Gamaliel at buong higpit na tinuruan sa Kautusan ng ating mga ninuno. Tulad ninyong lahat, ako’y masugid na naglilingkod sa Diyos. Inusig ko at ipinapatay ang mga sumusunod sa Daang ito. Ipinagapos ko at ipinabilanggo sila, lalaki’t babae. Makapagpapatotoo tungkol dito ang pinakapunong saserdote at ang buong kapulungan ng matatanda. Binigyan pa nila ako ng mga sulat para sa mga Judio sa Damasco, at pumunta ako roon upang dakpin ang mga tagasunod doon at dalhin dito sa Jerusalem upang parusahan.
“Magtatanghaling-tapat noon, at malapit na ako sa Damasco. Biglang kumislap sa aking paligid ang isang matinding liwanag mula sa langit. Nasubasob ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin, ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako pinag-uusig?’ Ako’y sumagot, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ ‘Ako’y si Hesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig,’ tugon niya. Nakita ng mga kasama ko ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin. At akin ding itinanong, ‘Ano po ang gagawin ko, Panginoon?’ Ang tugon sa aki’y, ‘Tumindig ka at pumunta sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng dapat mong gawin.’ Nabulag ako dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, kaya’t ako’y inakay na lamang ng mga kasama ko papasok sa Damasco.
“May isang lalaki sa Damasco na ang pangala’y Ananias. Siya’y taong may takot sa Diyos, tumutupad sa Kautusan, at iginagalang ng mga Judiong naninirahan doon. Pinuntahan niya ako, tumayo sa tabi ko at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka na.’ Noon di’y nanaulo ang aking paningin at nakita ko siya. Sinabi pa niya, ‘Hinirang ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang mabatid mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Banal na Lingkod at marinig ang kanyang tinig. Sapagkat ikaw ay magiging saksi niya upang patotohanan sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. At ngayon, huwag ka nang mag-atubili. Tumindig ka, tumawag ka sa kanyang pangalan at magpabinyag, at magiging malinis ka sa iyong mga kasalanan.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 116, 1. 2
Tugon: Humayo’t dalhin sa tanan, Mabuting Balitang aral.
Purihin ang Poon!
Dapat na purihin ang lahat ng bansa,
siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa.
Tugon: Humayo’t dalhin sa tanan, Mabuting Balitang aral.
Pagkat ang pag-ibbig
Na ukol sa ati’y dakila at wagas,
at ang katapatan niya’y walang wakas.
Tugon: Humayo’t dalhin sa tanan, Mabuting Balitang aral.
ALELUYA
Juan 15, 16
Aleluya! Aleluya!
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabuting tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 16, 15-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nagpakita si Hesus sa Labing-isa at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumasampalataya at magpabinyag ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang kamay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.