SABADO ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon
✝️ MGA PAGBASA SA MISA
~~~ Unang Pagbasa: ROMA 10:9:18
Mga kapatid, kung ipahahayag ng iyong mga labi na si Hesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayo’y napawawalang-sala; at nagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayo’y naliligtas.
Sinasabi sa Kasulatan, “Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya.” Walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Griego. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya ang nagkakaloob ng kanyang kayamanan sa lahat ng tumatawag sa kanya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
Ngunit paanong tatawagan ng mga tao ang hindi nila sinasampalatayanan? Paano silang mananampalataya kung wala pa silang napapakinggan tungkol sa kanya? Paano naman silang makakapakinig kung walang nangangaral? At paanong makapangangaral ang sinuman kung hindi siya isinusugo? Ayon sa nasusulat, “O kay inam na makitang dumarating ang mga nagdadala ng Mabuting Balita!” Ngunit hindi lahat ay naniwala sa Mabuting Balita.
Ganito ang sabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa sinabi namin?” Kaya’t ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig; at makakapakinig lamang kung may mangangaral tungkol kay Kristo.
Ngunit ang tanong ko’y hindi ba sila nakapakinig? Nakapakinig nga sila. Sapagkat, “Ano’t sa lahat ng dako ang tinig nila, at ang mga salita nila’y laganap sa sanlibutan.”
~~~ Salmo Responsorio: SALMO 18:2-5
Tugon:
LAGANAP NA SA DAIGDIG
ANG KANILANG MGA TINIG.
Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
Patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
At wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
Gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
Ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.
**** Aleluya
MATEO 4:19
Aleluya! Aleluya!
Sumunod kayo sa akin
at kayo’y aking gagawing
katambal ko sa tungkulin.
Aleluya! Aleluya!
✝️ Ang Mabuting Balita ng ating Panginoon ayon kay SAN MATEO 4:18-22
Noong panahong iyon, sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila’y naghahagis ng lambat. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao.” Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus.
Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa bangka, kasama ang kanilang ama, at naghahayuma ng lambat. Tinawag din sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus.