✝️ MGA PAGBASA SA MISA
~~~ Unang Pagbasa: DANIEL 6:12-28
Noong mga araw na iyon, nakita si Daniel na nananalangin ng kanyang mga kaaway. Kaya’t dali-dali siyang isinumbong sa hari. Ang sabi nila, “Hindi po ba’t naglagda kayo ng kautusan na sa loob ng tatlumpung araw ay walang mananalangin sa sinumang diyos o tao liban sa inyo at ihahagis sa kulungan ng mga leon ang sinumang lumabag dito?” Sumagot ang hari, “Ayon sa kautusan ng Media at Persia, hindi mababago ang kautusang nilagdaan ko.” Sinabi nila, “Mahal na hari, si Daniel po na isa sa mga bihag mula sa Juda ay lumalabag sa inyong kautusan at tatlong beses pa po kung manalangin araw-araw.”
Nang malaman ito ni Haring Dario, nabalisa siya at maghapong inisip kung paano maililigtas si Daniel. Nang magkaroon uli ng pagkakataon ang mga kaaway ni Daniel, lumapit ang mga ito sa hari at sinabi, “Alalahanin ninyo, mahal na hari, na di maaaring baguhin ang alin-mang kautusan sa Media at Persia.”
Dahil dito, iniutos ni Haring Dario na ihagis si Daniel sa kulungan ng mga leon. Ngunit sinabi niya rito, “Nawa’y iligtas ka ng Diyos na pinaglilingkuran mo ng buong katapatan.” Ang pintuan ng kulungan ay tinakpan ng isang malaking bato. Tinatakan ito ng pantatak ng hari at ng kanyang mga ministro para hindi mabuksan ng sinuman. Ang hari naman ay umuwi sa palasyo. Magdamag siyang hindi makatulog. Hindi siya tumikim ng pagkain at ayaw niyang paaliw.
Kinabukasan, maagang nagbangon ang hari at nagmamadaling pumunta sa kulungan ng mga leon. Pagdating doon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, tapat na alipin ng DIyos na buhay! Iniligtas ka ba niya sa mga leon?” Sumagot si Daniel, “Mabuhay ang kanyang kamahalan! Hindi po ako naano pagkat ang bibig ng mga leon ay pinatikom ng mga anghel na sinugo ng aking Diyos. Ginawa po niya ito pagkat alam niyang wala akong kasalanan ni nagagawang masama laban sa inyo.” Dahil dito, labis na nagalak ang hari at ipinahango niya si Daniel sa kulungan ng mga leon. Nang siya’y maiahon, wala silang nakita kahit bahagyang galos sa katawan ni Daniel. Ang lahat ng may kinalaman sa pagkahagis kay Daniel sa kulungan ng mga leon ay ipinahagis doon ng hari pati ang kanilang samabahayan. Hindi pa sila halos sumasayad sa kulungan ay nilapa na sila ng mga leon.
Pagdating sa palasyo, sinulatan ni haring Dario ang lahat ng lahi, wika at bansang kanyang nasasakupan. Anang sulat:
“Sa lahat ng kinauukulan: Iniuutos ko sa lahat kong nasasakupan na matakot at gumalang sa Diyos ni Daniel. Siya ang Diyos na buhay at maghahari magpakailanman.
Hindi mawawasak ang kanyang kaharian at mananatili habang panahon ang kanyang kapangyarihan. Siya’y nagliligtas. Gumagawa siya ng mga kababalaghan sa langit at lupa. Iniligtas niya si Daniel sa mga leon.”
~~~ Salmo Responsorio: DANIEL 3:68-69, 70-74
Tugon:
DAKILAI’T PAPURIHAN
ANG POON MAGPAKAILANMAN.
Purihin ninyo ang Panginoon, mga hamog at ulan;
Awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, graniso at ginaw;
Awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, yelo at niyebe;
Awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, mga araw at mga gabi;
Awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, liwanag at kadiliman;
Awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, mga kidlat at mga ulap;
Awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
O lupa, dakilain mo ang Panginoon;
Awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Aleluya
LUCAS 21:28
Aleluya! Aleluya!
Naririto, malapit na
ang kaligtasang pag-asa
upang ating matamasa.
Aleluya! Aleluya!
✝️ Ang Mabuting Balita ng ating Panginoon ayon kay SAN LUCAS 21:20-28
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kapag nakita ninyong kubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, talastasin ninyong malapit na ang pagkawasak nito. Dapat tumakas sa kabundukan ang mga nasa Judea, at umalis ng lungsod ang mga naroon; huwag nang pumasok doon ang mga nasa kabukiran. Sapagkat ito ang ‘Mga Araw ng Pagpaparusa,’ bilang katuparan ng mga nasasaad sa Kasulatan. Kawawa ang nagdadalantao at nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat darating ang malaking kapighatian sa lupaing ito, at ang poot ng Diyos sa bansang ito. Mamatay sila sa tabak, at dadalhing bihag sa lahat ng bansa. At ang Jerusalem ay magiging busabos ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa mga ito.
“Magkakaroon ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”