Tagalog Readings for Wednesday 3rd Week of Lent

MGA PAGBASA—Miyerkules sa Ika-3 Linggo ng 40 Araw na Paghahanda

✝️ UNANG PAGBASA 📖
Deuteronomio 4, 1. 5-9

Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio📖

Nagsalita si Moises sa mga tao: “Ngayon, mga Israelita, upang mabuhay kayo nang matagal at makarating sa lupaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, unawain ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo.

“Ngayon nga’y itinuturo ko sa inyo ang mga tuntuning ito upang sundin. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayun makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at lawak ng pang-unawa. Sa gayun, hindi nila mapipigilang sabihin ang ganito: ‘Ang bansang ito’y matalino at may malawak na pagkaunawa.’

“Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban sa Panginoon? Aling bansa ang may tuntuning kasing inam ng mga tuntuning ibinigay ko sa inyo ngayon? Ngunit kaiingat kayo. Ang mga bagay na inyong nasaksihan ay huwag ninyong kalilimutan o ipagwawalang-bahala habang kayo’y nabubuhay; ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo.”

🙏🏻 Ang Salita ng Diyos.🙏🏻

🔵 SALMONG TUGUNAN
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20

Tugon: Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.

Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon,
purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion.
Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas.

Tugon: Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.

Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo,
bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo.
Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.

Tugon: Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.

Kay Jacob n’ya ibinibigay ang balita at pabilin,
ang tuntuni’t mga aral, ibinigay sa Israel.
Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin ang Panginoon!

Tugon: Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.

🎶 AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA 📖
Juan 6, 63k. 68k

🎶 Salita mo, Kristong mahal,
Espiritung bumubuhay,
nagtuturo’t umaakay
sa nagnanais makamtan
ang langit na walang hanggan.

✝️ MABUTING BALITA
Mateo 5, 17-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo📖

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad,

“Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon.

Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi nagaganap ang lahat. Kaya’t sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayun sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos.

Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos.”

🙏🏻 Ang Mabuting Balita ng Panginoon.🙏🏻

Advertisements

Leave a Reply