Tagalog Readings for Thursday 1st Week of Lent

MGA PAGBASA— Huwebes sa Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda

Ester 4, 17 n. p-r. aa-bb. gg-hh
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 7k-8

Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.

Mateo 7, 7-12

✝️ UNANG PAGBASA
Ester 4, 17

Pagbasa mula sa aklat ni Ester

Noong mga araw na iyon, labis na nababagabag si Reyna Ester. Dumulog siya sa Panginoon. Ganito ang daing niya sa Panginoong Diyos ng Israel:

“Panginoon ko, tanging ikaw ang Hari namin. Tulungan mo ako na ngayo’y nag-iisa at walang ibang maaasahang tutulong kundi ikaw lamang. Haharap ako sa napakalaking panganib. Mula pa sa aking pagkabata, narinig ko na sa liping kinabibilangan ng aking angkan na ikaw, Panginoon, ang humirang sa Israel mula sa dinami-rami ng mga bansa, at ikaw din ang sa panahong iyon ay pumili sa aming mga magulang upang maging iyong bayan magpakailanman. Tinupad mo ang lahat ng iyong ipinangako sa kanila.

“Alalahanin mo kamo, Panginoon. Ipadama mo sa amin ang iyong paglingap sa sandaling ito ng kagipitan. Bigyan mo ako ng lakas ng loob, Hari ng lahat ng mga dinidiyos at Pinuno ng lahat ng kapangyarihan sa lupa. Bigyan mo ako ng kakayahang magsalita sa harap ng leong si Asuero, upang maakit ang kanyang puso na mamuhi sa taong kumakalaban sa amin at sa gayo’y mapahamak siya kasama ng mga nakikipagsabwatan sa kanya. Iligtas mo kami, Panginoon. Tulungan mo ako na ngayo’y nag-iisa at walang ibang maaasahang tutulong kundi ikaw lamang.

“Ganap mong nababatid ang lahat.”

Ang Salita ng Diyos. 🙏🏻📖

🔵 SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 7k-8

Tugon: Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.

Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyulo at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.

Tugon: Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.

Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Tugon: Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.

Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa takas na iyong taglay.
Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat,
ang dahilan nito Poon, pag-ibig mo’y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap.

Tugon: Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.

🎶 AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA 📖
Salmo 50, 12a. 14a

D’yos ko, sa aki’y igawad
loobing tunay na tapat;
puso ko’y gawin mong wagas
nang manaulo ang galak
bunga ng ‘yong pagliligtas.

MABUTING BALITA
Mateo 7, 7-12

✝️ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo 📖

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo, at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi, nakasusumpong ang bawat humahanap, at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok.

Bibigyan ba ninyo ng batos ang inyong anak kung humihingi ng tinapay? Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kung humihingi ng isda? Kung kayo na masasama, ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit? Ibibigay niya ang mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya!

“Kaya gawin ninyo sa inyong kapwa ang ibig ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang kahulugan ng Kautusan ni Moises at ng turo ng mga propeta.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Leave a Reply