MGA PAGBASA— Biyernes ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Santiago 2, 14-24. 26
Salmo 111, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad ang sumusunod sa Diyos nang kusang-loob.
Marcos 8, 34 – 9, 1
UNANG PAGBASA
Santiago 2, 14-24. 26
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya’y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya pinatutunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng gayong pananampalataya? Halimbawa: ang isang kapatid ay walang maisuot at walang makain. Kung sabihin ng isa sa inyo, “Patnubayan ka nawa ng Diyos. Magbihis ka’t magpakabusog,” ngunit hindi naman siya binibigyan ng kanyang kailangan, may mabuti bang maidudulot sa kanya inyo? Gayun din naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.
Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa ako.” Sagot ko naman, “Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang kalakip na gawa, at ipakikita ko naman sa iyo sa pamamagitan ng aking mga gawa ang aking pananampalataya.” Sumasampalataya ka sa iisang Diyos, hindi ba? Mabuti iyan! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin – at nangangatal pa. Ibig mo pa bang patunayan ko sa iyo, hangal, na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kalakip na gawa? Si Abraham ay kinalugdan ng Diyos dahil sa kanyang mga gawa nang inihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac, hindi ba? Diya’y makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at mga gawa, at naging ganap ang kanyang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. Natupad and sinasabi ng Kasulatan, “Si Abraham ay sumasampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya’y ibinibilang na matuwid.” Ang tawag sa kanya ng Diyos ay”Ang kaibigan kong si Abraham.” Diyan ninyo makikita na ibinibilang na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at di dahil sa kanyang pananampalataya lamang.
Patay ang katawang hiwalay sa espiritu; gayun din naman, patay ang pananampalatayang hiwalay sa mga gawa.
(
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 3-4. 5-6
Tugon: Mapalad s’ya na may takot sa D’yos na magandang-loob.
Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
Siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila,
pati mga angkan ay pinagpapala.
Tugon: Mapalad s’ya na may takot sa D’yos na magandang-loob.
Magiging sagana sa kanyang tahanan
katarungan niya’y walang katapusan.
Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanang.
Tugon: Mapalad s’ya na may takot sa D’yos na magandang-loob.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
Tugon: Mapalad s’ya na may takot sa D’yos na magandang-loob.
ALELUYA
Juan 15, 15b
Aleluya! Aleluya!
Aking mga kaibigan,
alam na ninyo ang tana
na mula sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 8, 34 – 9, 1
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, pinalapit ni Hesus ang mga tao, pati ang kanyang mga alagad, at sinabi,
“Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Mabuting Balita ay siyang magkakamit niyon.
Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay?
Kapag ang sinuman ay nahiyang kumilala sa akin at sa aking mga salita sa harapan ng lahing ito na makasalanan at hindi tapat sa Diyos, ikahihiya rin siya ng Anak ng Tao, pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”
Sabi pa ni Hesus sa kanila, “Tandaan ninyo: may ila sa inyo rito na hindi mamamatay hangga’t di nila nakikitang naghahari ang Diyos nang may buong kapangyarihan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.