MGA PAGBASA— Lunes ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Santiago 1, 1-11
Salmo 118, 67. 68. 71. 72. 75. 76
Poon, ako’y kahabagan upang mabuhay kailanman.
Marcos 8, 11-13
UNANG PAGBASA
Santiago 1, 1-11
Ang simula ng sulat ni Apostol Santiago
Mula kay Santiago, alipin ng Diyos at ng Panginoong Hesukristo:
Ipinaaabot ko ang aking pagbati sa mga hinirang ng Diyos, mga hinirang na nasa iba’t ibang bansa.
Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo’y dumaranas ng iba’t ibang pagsubok, sapagkat alam ninyo na lalong magiging matatag ang inyong pananampalataya matapos ninyong pagtagumpayan ang mga pagsubok na iyan. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo’y maging ganap at walang pagkukulang. Ngunit kung kulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, humingi siya sa Diyos at siya’y bibigyan; sapagkat ang Diyos ay saganang magbigay at di nanunumbat. Subalit ang humihingi’y dapat manalig at huwag mag-alinlangan; sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong pabagu-bago ang isip at di alam kung ano ang talagang ibig.
Ikararangal ng dukhang kapatid ang pagkakataas sa kanya ng Diyos, at ng mayamang kapatid ang pagkakababa sa kanya, sapagkat ang kayamanan ay lilipas, gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo’y natutuyo sa matinding sikat ng araw; nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang ganda. Gayun din naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 67. 68. 71. 72. 75. 76
Tugon: Poon, ako’y kahabagan upang mabuhay kailanman.
Ang sariling dati-rati’y namumuhay nang baluktot,
nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod.
Tugon: Poon, ako’y kahabagan upang mabuhay kailanman.
Kay buti mo, Panginoon! Kay ganda ng iyong loob,
sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
Tugon: Poon, ako’y kahabagan upang mabuhay kailanman.
Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
pagkat aking naunawaang mahalag ang ‘yong utos.
Tugon: Poon, ako’y kahabagan upang mabuhay kailanman..
Higit pa sa ginto’t pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
Tugon: Poon, ako’y kahabagan upang mabuhay kailanman.
Nababatid ko, O Poon, matuwid ang iyong batas,
kahit ako’y pagdusahin, nananatili kang tapat.
Tugon: Poon, ako’y kahabagan upang mabuhay kailanman.
Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubas,
katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod.
Tugon: Poon, ako’y kahabagan upang mabuhay kailanman.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 8, 11-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya hiningi nila na magpakita si Hesus ng isang tanda mula sa langit. Napabuntong-hininga nang malalim si Hesus at ang wika, “Bakit naghahanap ng tanda ang lahing ito? Sinasabi ko sa inyo: hindi sila pagpapakitaan ng anumang tanda.” Iniwan niya sila, at pagkasakay sa bangka ay tumawid sa ibayo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.