MGA PAGBASA SA MISA
🙏 Unang Pagbasa: 1 JOHN 5:14-21
Minamahal kong mga kapatid, hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa Anak ng Diyos, sapagkat alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin na naaayon sa kanyang kalooban. Yamang alam nating dinirinig nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang hinihiling natin sa kanya.
Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang di hahantong sa kamatayang espirituwal, ipanalangin niya ang kapatid na iyon, at ito’y bibigyan ng bagong buhay. Ito’y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi hahantong sa kamatayang espirituwal. May kasalanang hahantong sa kamatayang espirituwal, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. Ang lahat ng gawaing hindi matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayang espirituwal.
Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ni Jesu-Cristo, at hindi sila maaaring anhin ng diyablo.
Alam nating tayo’y anak ng Diyos, at ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.At nalalaman nating naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo’y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.
Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyusan.
~~~ Salmo Responsorio: SALMO 149:1-6, 9
#Tugon:
PANGINOO’Y NAGAGALAK
SA HIRANG N’YANG MGA ANAK.
Ang Panginoo’y purihin, awitan ng bagong awit,
Purihin sa pagtitipon ng tapat sa pananalig.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
Dahilan sa iyong hari, ikaw Sion ay matuwa.
Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
Alpa’t tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan.
Panginoo’y nagagalak sa kanyang mga hirang,
Sa nangagpapakumbaba’y tagumpay ang ibibigay.
Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
Sa kanilang pagpipista ay magsaya at mag-awitan.
Sa pagpuri sa Panginoon, ay bayaang magsigawan
Ang tatanggap ng tagumpay, ay ang mga hirang niya.
✝️ Ang Mabuting Balita ng ating Panginoon ayon kay: SAN JUAN 3:22-30
Noong panahong iyon, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili siya roon ng kaunting panahon kasama nila, at nagbinyag. Si Juan ay nagbibinyag rin naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabinyag. Hindi pa nakabilanggo noon si Juan.
Minsan, nakatalo ng mga alagad ni Juan ang isang Judio tungkol sa tanging paraan ng paglilinis. Kaya’t pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Rabi, yaon pong lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan, ay nagbibinyag rin at nagpupunta sa kanya ang lahat!” Sumagot si Juan, “Walang tatanggapin ang tao malibang ipagkaloob sa kanya ng Diyos. Kayo na rin ang makapagpapatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo: sugo lamang akong mauuna sa kanya.
Ang babaing ikakasal ay para sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak pagkarinig sa tinig nito. Gayon din naman, lubos na ang kagalakan ko ngayon. Kinakailangang siya ay maging dakila, at ako nama’y mababa.”