Tagalog Holy Mass Readings for Thursday After Epiphany

Posted by

✝️ MGA PAGBASA SA MISA

🙏 Unang Pagbasa: 1 JUAN 4:19–5:4

Minamahal kong mga kapatid, tayo’y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. Ang nagsasabing, “Iniibig ko ang Diyos,” at napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung yaong kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya maibig, paano niya maiibig ang Diyos na hindi nakikita? Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Kristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.
Inaaring mga anak ng Diyos ang sumasampalatayang si Hesus ang Mesias; at sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa mga anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya.

🙏 Salmo Responsorio: SALMO 72: 2, 14-15, 17

#Tugon:
POON, MAGLILINGKOD SA ‘YO,
TANANG BANSA NITONG MUNDO

Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran:
Sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
Upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan,
At pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.

Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas
Sa kanya ang buhay nila’y mahalagang hindi hamak.
Sa tuwina siya nawa’y idalangin nitong bayan,
Kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.

Nawa yaong kanyang ngalan ay h’wag nang malimutan,
manatiling laging bantog na katulad nitong araw;
nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa,
At sa Diyos, silang lahat dumalanging:
“Harinawa pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”

✝️ Ang Mabuting Balita ng ating Panginoon ayon kay: SAN LUCAS 4:14-22

Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Galilea, at sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kumalat sa palibot na lupain ang balita tungkol sa kanya. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga; at dinakila siya ng lahat. Umuwi si Hesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:
“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Sinugo niya ako upang ipahayag sa bihag na sila’y lalaya, at sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil, at ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”
Binalumbon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.” Pinuri siya ng lahat, at namangha sila sa kanyang napakahusay na pananalita.

Leave a Reply